Photobucket

Marian Rivera wants to end 'preggy' issue with Karylle

By Fidel Jimenez, GMANews.TV

Matapos umiyak at mailabas ang sama ng loob, nais na raw ni Marian Rivera na wakasan ang usapin sa kanila ni Karylle tungkol sa “buntisan" isyu, ayon sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules.

Sa Christmas party ng mga empleyado ng US Embassy, isang masayang Marian ang humarap sa mga tao matapos siyang imbitahan na mag-perform sa mga kawani ng embahada.



At kahit naka-benda pa rin ang paa, nagpaunlak ng song-and-dance number ang dalaga at game na game na nakisalamuha sa mga tao.

Ayon kay Marian, ayaw na niyang pahabain pa ang isyu ukol sa “pag-ngiti" ni Karylle sa isang talk show nang tanungin ito kung totoo na “buntis" si Marian.

Nauna nang sinabi ni Marian na maaari namang nagbigay ng pahayag si Karylle sa naturang tanong pero sa halip ay makahulugang ngiti lamang ang itinugon nito.

“Na offend lang ako at nasaktan ako. Kung ano yung nasabi ko na ‘yon, ‘yon na ‘yon. Tama na yun, at least nailabas ko na lahat," paliwanag ni Marian.

Magiging abala ang dalaga ngayong kapaskuhan dahil kailangan niyang sumama sa Parade of the Stars sa December 24 para sa darating na Metro Manila Film Festival na magsisimula sa araw mismo ng Pasko.

Dalawa kasi ang pelikula ni Marian na kalahok sa festival, ang “Desperada 2" at “Shake, Rattle and Roll 10."

Sa mismong araw ng Pasko ay makakasama naman nya ang kanyang ina at lola sa kanilang tahanan sa Cavite. At bago ang Bagong Taon, kailangan na niyang magtaping para sa bagong proyekto sa Kapuso Network.

Kaya naman sa dami raw ng biyaya na natamo nya ngayon taon ay hindi niya papayagang makaapekto sa kanyang kasiyahan ang mga naglalabasang negatibong balita.

“Oo naman. Wala namang rason para hindi maging masaya sa dami ng blessings na dumating," ayon kay Marian. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

blog comments powered by Disqus